CAUAYAN CITY – Arestado ang number 6 at number 7 most wanted person municipal level na kinabibilangan ng isang menor de edad dahil sa kasong pangagahasa sa Mozzozzin Sur, Santa Maria, Isabela.
Ang mga dinakip ay isang labing-walong taong gulang na lalaki, grade 12 at isang menor de edad na grade 11 kapwa residente ng nasabing lugar.
Naaresto ang dalawang akusado matapos na isilbi ng Sta. Maria Police Station ang mandamiento de arresto na inilabas ni hukom Felipe Jesus Torio II, Executive Judge ng Regional Trial Court Branch 22, Cabagan, Isabela para sa kasong panggagahasa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Rogelio Natividad OIC ng Sta. Maria Police Station sinabi niya na bago mangyari ang panggagahasa ay nagkayayaan ang dalawang estudyante kasama ang biktima na menor de edad na babae sa isang inuman.
At nang mapansing lasing na ang biktima ay doon na isinagawa ng mga pinaghihinalaan ang panghahalay.
Ang dalawang pinaghihinalaan kabilang ang menor de edad ay dinala na sa himpilan ng Santa Maria Police Station para sa dukumentasyon bago ipasakamay sa court of origin.