--Ads--

CAUAYAN CITY – Napigilang makapasok ang 17 POGO workers at dalawang police escort na mula sa Metro Manila sa Santa Ana, Cagayan makaraang maharang sa COVID-19 checkpoint ng mga awtoridad sa bayan ng Sta. Ana.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Ariel Quilang, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office, sinabi niya na ang mga nagtangkang pumasok sa nasabing lugar ay lulan ng dalawang truck na may mga kargang essential goods and commodities at Personal Protective Equipment (PPE) na idodonate sa LGU Santa Ana na kinumpirma naman ng kanilang Punong Bayan.

Kasamang naharang sa checkpoint si Benedict Wong, 39-anyos, Manager ng Eastern Hawaii Casino kasama ang mga hinihinalang POGO workers at dalawang police scort.

Nagpasya ang Inter-Agency Task Force na papasukin sa nasabing bayan ang dalawang delivery truck kasama ang apat na driver at si Benedict Wong dahil ang isinakay ay mga basic commodities at goods kasama na ang Personal Protective Equipment.

--Ads--

Habang ang labimpitong tao na balak ipasok sa Santa Ana na kinabibilangan ng isang Vietnamese na kawani ng Eastern Hawaii Casino at labing-anim na Pilipino na karamihan ay mula sa lalawigan ng Bulacan ay pinabalik sa kalakhang Maynila makaraang kunan ng mga pangalan at personal na mga impormasyon.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 11332 in relation to Enhanced Community Qurantine laban sa kanila.

Tinig ni PCol. Ariel Quilang, Provincial Director, CPPO.