--Ads--

CAUAYAN CITY – Naka-isolate ngayon sa Demidoff Country Resort sa Florence, Italy ang 25 Pinoy crew ng cruise ship Costa Luminosa na nagpositibo sa COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nonieta Adena, head ng task force on COVID-19 at Vice President ng OFW Watch sa Italy, sinabi niya na aabot sa 300 Pinoy crew ang sakay ng cruise ship na Costa Luminosa na galing sa Marseille France at bumaba sa port of Savona sa Savona, Italy.

Umabot sa 25 Pinoy crew ng Costa Lominosa ang nagpositibo sa COVID-19 at naka-isolate na ngayon sa Demidoff Country Resort habang ang ibang mga Pinoy crew na nagnegatibo ay tumuloy sa kanilang destinasyon.

Napagpasyahan ng pamunuan ng Costa Luminosa na manning agency at Italian Government ang pagkaka-isolate sa mga nasabing Pinoy crew.

--Ads--

Sinabi ni Adena na batay sa kanyang pakikipag-usap sa isa sa mga Pinoy crew ay nabigyan ang mga OFW ng medical monitoring sheet.

Sa ngayon ay inilagay ang mga Pinoy crew sa 14-day quarantine at maayos naman ang kanilang kalagayan dahil tig-isa sila ng kuwarto.

Sa ngayon ay nagtutulong-tulong ang mga Pinoy sa Italya para maibigay ang pangangailangan ng mga pinoy crew.

Maaari naman aniya silang tawagan sa cellphone.

Tinig ni Nonieta Adena.