--Ads--

CAUAYAN CITY – Kulong ang isang barangay Tanod matapos pagbantaan at pagsusuntukin ang kanyang kinakasama sa Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.

Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan sa Solano Police Station, ang pinaghihinalaan ay si Jojo Espina, 45-anyos, habang ang biktima ay itinago sa pangalang Kim, 41-anyos kapwa residente ng nasabing lugar.

Sa paunang pagsisiyasat ni Police Staff Sgt. Verly Briones ng Solano Police Station, madaling araw ng dumating ang pinaghihinalaan at dahil sa kalasingan ay nagkaroon sila ng pagtatalo ng kanyang kinakasama.

Pinagbantaan umano ng pinaghihinalaan ang biktima at pinagsusuntok sa ulo at hita.

--Ads--

Matapos ang pananakit ay umalis ang pinaghihinalaan ngunit muling bumalik at kinompronta ang biktima sa umano’y panlalalaki nito at muling sinaktan.

Nagsumbong ang biktima sa himpilan ng pulisya at inaresto si Espina.

Inihayag ni Police Staff Sgt. Briones na pangalawang beses ng inireklamo ng biktima ang pinaghihinalaan.

Pinatawad ng biktima ang pinaghihinalaan noong una makaraan itong magmakaawa subalit sa pagkakataong ito umano ay desidido na siyang kasuhan ang kinakasama upang matuto at magsisi sa pananakit sa kanya.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and their Children ang pinaghihinalaan na nakapiit sa Solano Police Station