
CAUAYAN CITY – Hindi matatawaran ang maraming nagampanan ni dating Senador Heherson ‘Sonny’ Alvarez sa Isabela at sa buong bansa sa maraming dekada ng panunungkulan sa pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano, Isabela Provincial Tourism Officer, inalala ang maraming nagampanan ni dating Senador Alvarez.
Sinabi niya na nakilala niya si dating Senador Heherson Alvarez nang maging kaklase niya sa grade 5 ang panganay na anak na si Hexilon Alvarez, dating Santiago City Councilor.
Kasama ng kanyang ina ang dating senador na aktibista bago ideklara ang Martial Law noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Aniya, pagkatapos ng 1986 EDSA People Power ay hinirang ni dating Pangulong Corazon Aquino si Alvarez na ambassador sa Washington DC, Estados Unidos at nang umuwi sa bansa ay naging minister ng Ministry of Agrarian Reform.
Sa senatorial elections noong 1987 ay unang nahalal si Alvarez at muling nahalal noong 1992 at nanungkulan hanggang 1998.
Sa kanyang panunungkulan bilang senador ay nakilala siyang Mr. Environment.
Ayon kay Dr. Miano, pinili ng dating senador na maging chairman ng Senate Committee on Environment dahil sa problema sa klima dahil sa hindi maayos na pangangalaga sa kalikasan.
Bukod sa naging chairman ng Senate Committee on Environment ay naging chairman din si Alvarez ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon pa kay Dr. Miano, naging back staff siya ng dating senador noong 1996 at kailanman hindi niya nakitang nagalit.
Inilarawan niyang workaholic ang dating senador kasama ang kanyang maybahay na si Gng. Cecile Guidote-Alvarez kaya nakilala sila sa international community bilang mga Filipino environmentalist.
Sinabi pa ni Dr. Miano, na naging kontrobersyal din ang usapin sa French nuclear testing sa Polynesia noong 1996 dahil sa pag-rally ng namayapang senador sa Makati City para ipakita sa buong mundo na hindi ito dapat ginagawa dahil sa pinsala sa kalikasan.
Bukod sa pag-introduce sa unleaded gasoline, kabilang pa sa mga naiambag nito ang pagsusulong sa Clean Air Act, Earth Day celebration, National Integrated Protected Areas System, Solid Waste Management Act at ang pagtatag sa Department of Energy (DOE).
Kabilang naman sa mga nagawa niya sa kanyang panunungkulan bilang congressman ng 4th district ng Isabela ay ang paghahain nila nina dating Cong. Mike Defensor at dating Cong. Ernesto “Boy” Herrera ang impeachment laban kay dating Pangulong Joseph Estrada kaya nagkaroon ng EDSA People Power 2.
Naging secretary din si Alvarez ng Department of Environment and Natiral Resources (DENR) sa loob ng dalawang taon ngunit hindi siya na-confirm ng Commission on Appointments (CA) dahil ayaw niyang baguhin ang kanyang prinsipyo.
Naitalaga rin si Alvarez bilang Presidential Adviser on Overseas Filipino Community noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Arroyo at pagkatapos ay naging Presidential Adviser on Climate Change at itinatag ang Earth Savers Movement Incorporated.
Dito sa Isabela aniya, ang pinakamalaking naiambag ng dating senador ay ang pangangalaga sa Northern Sierra Madre Natural Park, ang paglipat sa Provincial Capito sa barangay Alibagu, City of Ilagan at ang pagsasaayos sa Santiago-Tuguegarao road.
Ayon pa kay Dr. Miano, si dating Senador Heherson Alvarez din ang isa sa nagdownload sa local government ng ibang executive power kasama si yumaong Senador Aquilino ” Nene” Pimentel.










