CAUAYAN CITY – Nag-aambag-ambag na lamang ang mga Pinoy na domestic helper sa Oman para may maitulong sa mga kapwa nila OFW na no work no pay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Analyn Camona Riobuya, OFW sa Oman at tubong Bicol Region, sinabi niya na kahit sa Muscat City, Oman kung saan sila nakatira ng kanyang asawa ay marami rin ang walang trabaho at umaasa na lamang sa maibibigay na tulong sa kanila.
Dahil dito, nagtutulungan na lamang ang mga katulong na OFW doon para may maibigay na tulong sa mga kapwa nila OFWs.
Maraming beses na umano silang nagpadala ng mensahe sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) doon subalit binigyan lamang sila ng contact number na kokontakin at hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na tulong.
Bagamat may trabaho siya ngayon dahil homebased ang kanyang amo ay hirap pa rin sila dahil ang ibinigay lamang na sahod sa kanyang asawa na nagtatrabaho sa isang clinic ay halos kalahati lamang.
Naiintindihan naman aniya nila ang sitwasyon subalit ang gusto lamang nilang malaman ngayon ay kung mayroon na bang natutulungan ang embahada ng Pilipinas doon para alam nila kung sino ang kanilang mga tutulungan.
Nanawagan siya sa pamahalaan na sana bigyan ng pansin ang mga OFWs sa ibang bansa lalong-lalo na ang mga no work no pay dahil sila ang mga pinakaapektado ngayon.











