--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinauubaya ng pamahalaang Pilipinas sa Taiwanese government ang pagsasagawa ng deportation proceedings laban sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nagpost sa social media ng mga paninira kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang Pamahalaang Taiwan ang may sovereign authority sa pagpapa-deport sa OFW.

Sinabi ng Kalihim na kinausap na ng labor attache ang Taiwanese government na ipa-deport ang OFW matapos na hindi tumigil sa pagpost sa social media ng mga paninira laban sa Pangulo.

Binigyang-diin ni Kalihim Bello na hindi makatwiran ang post ng OFW na sasampalin ang pangulo.

--Ads--

Pinuntahan at kinausap aniya ng labor attache ang OFW na nangako na babawiin ang mga post at mag-aapologize sa Pangulo ngunit kinabukasan ay mayroon na namang post sa ibang FB account.

Dahil dito ay puwedeng kasuhan ang OFW ng cyber libel at paglabag sa Revised Penal Code hinggil sa sedition kapag dumating siya sa bansa.

Ayon kay Kalihim Bello, handa na ring pakawalan ng employer ang nasabing OFW.

Nagpaalala si Atty. Bello sa mga mamamayan lalo na sa mga OFW na ang constitutional right hinggil sa freedom of speech ay hindi absolute.

Ito ay may limitasyon at hindi dapat gamitin sa paninira sa kapwa lalo na sa pangulo ng bansa.

Ang tinig ni DOLE Sec. Silvestre Bello III