CAUAYAN CITY – Nagkaisa ang samahan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) sa Europe na tutulan ang Memorandum Circular ng Philippine Health Insurance Corpration (Philhealth) para sa pagtaas ng 3% sa kanilang buwanang kontribusyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Rhoderick Ople, presidente ng OFW Watch sa Italy at overall coordinator ng mga OFWs sa Europe na bumuo sila ng network para iparating ang kanilang mahigpit na pagtutol sa pagtaas ng kanilang kontribusyon sa Philhealth.
Iginiit niya na isang uri ito ng pahirap sa kanila lalo pa’t maraming OFW’s ang nawalan ng trabaho dahil sa krisis na dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.
Ang tingin nila sa hakbang na ito ng Philhealth ay panibagong panggagatas sa OFW’s.
Ayon kay Ginoong Ople, nais nilang gawing voluntary ang membership ng Philhealth at hindi gagawing mandatory requirement kapag lalabas ang isang OFW sa Pilpinas.
Mas malaki pa aniya ang bayarin nila sa Philhealth kaysa sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sinabi pa ni Ginoong Ople ma mayroon nang online petition ngunit hinikayat nila ang mga OFWs’ na magsagawa ng lahat ng porma ng pagkilos sa online para maiparating kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Board of Trustees ng Philhealth ang kanilang mariing pagtutol sa pagtaas ng kanilang kontribusyon.Top












