--Ads--

CAUAYAN CITY –  Inatasan ni Governor Rodito Albano ang mga mayor sa mga bayan na nakakasakop sa mga national highway na walang bus at van terminal na magpagawa ng temporaryong terminal.

Ito ay para makasakay ang mga pasahero ng mga bus at van na binigyan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng permit na bumiyahe.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na nakausap niya si Regional Director Edward Cabase ng LTFRB region 2 at ipinarating niya ang hinaing ng mga mamamayan na hindi makasakay ng PUV dahil sa point to point na biyahe ng mga ito.

Ayon kay Gov. Albano, ipinaliwanag sa kanya ni Regional Director Cabase na layunin ng nasabing hakbang na madali ang contact tracing sakaling may pasahero na positibo sa COVID-19.

--Ads--

Dahil dito ay hiniling ni Regional Director Cabase na maglagay ng pansamantalang terminal ang mga bayan na wala pang terminal para doon sasakay ang mga pasahero.

Ayon kay Gov. Albano, ang Local Government Unit (LGU) ay dapat na maglagay sa mga temporary terminal ng mga  pulis at health officer para mamonitor ang mga sasakay.

Sinabi pa ni Gov. Albano na maglalagay sila ng mga portalets sa mga temporary terminal para sa sanitation ng mga pasahero.

Ang pahayag ni Gov Rodito Albano