CAUAYAN CITY – Bubuo ng task force si Gov. Rodito Albano na magsasagawa ng inspection sa mga warehouse o bodega sa Isabela.
Ang hakbang ay kaugnay ng isinagawang raid kagabi sa isang bodega sa Palattao, Naguilian, Isabela at nakumpiska ang daan-daang sako ng mga pekeng sigarilyo at mga kagamitan sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo.
Binati ni Gov. Albano ang mga pulis na nagsagawa ng raid para masamsam ang mga kontrabando at matuklasan ang illegal na gawain.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na bago isagawa ang raid sa mga bodega na kahina-hinala ang operasyon sa mga susunod na araw ay kailangang magsagawa ng intelligence gathering ang mga pulis bago hingin sa korte na magpalabas ng search warrant para masunod ang proseso upang hindi mapawalang saysay ang kaso kapag kinasuhan ang mga sangkot sa illegal na aktibidad.
Hihilingin din ni Gov. Alban sa mga may-ari ng mga bodega na payagan ang periodic inspection para malaman na wala silang itinatagong illegal na gawain.
Irereport din ng punong lalawigan ang ginawang raid sa bodega sa Naguilian, isabela kay Finance secretary Carlos Dominguez para masampahan ng economic sabotage ang mga Koreano na nasa likod ng illegal na operasyon ng pagawaan ng mga pekeng sigarilyo.
Magkakaroon din ng masusing pagsisiyayat para malaman ang mga kasabwat ng sindikato na gumagawa ng mga pekeng sigarilyo.
Binigyang-diin ni Gov. Albano na hindi maganda na may mga nasasalakay na bodega sa Isabela dahil sa paggawa ng mga illegal na kontrabando sapagkat makakaapekto ito sa paghimok sa mga investor na mamuhunan sa Isabela.
Hiniling niya sa mga mayor na alaming mabuti ang negosyo ng mga binibigyan ng business permit para agad malaman kung lehitimo ang kanilang negosyo.












