--Ads--

CAUAYAN CITY  –  Pumasa na sa ikalawang pagbasa sa House Committee on Economic Affairs na pinamumunuan ni Congresswoman Sharon Garin ang panukalang economic stimulus package.

Isasalang na ang panukalang batas sa pinal na debate sa plenaryo sa susunod na linggo bago magbakasyon ang Kongreso.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Congressman Antonio ‘TonyPet’ Albano ng 1st district ng Isabela  na nakapaloob sa panukala ang paglalaan ng pamahalaan ng 1.3 hanggang 1.5 trillion pesos na loan package para matulungan ang mga small at medium enterprises.

Kailangan aniyang matulungan ang mga kompanyang  walang kita sa nakalipas na tatlong buwan na isinailalim ang lockdown sa bansa.

--Ads--

Sinabi pa ni Cong. Albano na kondisyon sa pagkakaloob ng loan package sa mga negosyante para maisalba ang kanilang negosyo ay hindi tatangalin ang  70-80% ng kanilang mga manggagawa o kawani.

Kasama sa  paglalaan ng pondo ng pamahalaan sa Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines (LBP) para sa mga maliliit na negosyo  ang mga magsasaka at mangingisda upang magkaroon sila ng kapital sa kanilang pagtatanim at pangingisda.

Ayon kay Cong. Albano, inaayos pa ang mga safeguards para matiyak na ang mga  kompanya na mabibigyan ng pautang ay hindi maghahayag ng bankcrupty o pagkalugi.

Ayaw nilang matulad ito sa behest loan noon na nagdeklara ng bankruptcy ang mga malalaking korporasyon na nabigyan ng loan kaya ang pamahalaan ang nagkaroon ng utang sa bangko.

Ito ang dahilan aniya kung bakit dapat na suriin ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Finance (DOF) ang mga industriya na mabibiyayaan ng loan sa ilalim ng stimulus package.

Ayon kay Cong. Albano, buwis mula sa mga  taxpayers ang gagastusin kaya kailangang busisiing mabuti ng mga mambabatas ang stimulus package upang makamit ang layuning magkaroon ng trabaho at pera ang mga mamamayan.

Ang pahayag ni Congressman TonyPet Albano ng 1st district ng Isabela