
CAUAYAN CITY – Ginagamot na sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang dalawang bagong naitala na positibo sa COVID-19 na mula sa mga bayan ng Alcala at Lallo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na naka-isolate na ngayon sa COVID ward ng CVMC ang dalawang bagong positibo sa COVID-19 sa Cagayan.
Aniya, pinasundo nila ang dalawang pasyente ng ambulansiya ng pagamutan at dakong alas-otso kagabi ay dumating ang taga-Alcala habang ang taga-Lallo ay hatinggabi na.
Sa ngayon aniya ay asymptomatic ang dalawa.
Ayon kay Dr. Baggao, ang taga-Lallo ay isang 21 anyos na babae na nagtatrabaho sa isang mall sa Cordon, Isabela at noong Mayo 25, 2020 ay bumiyahe siya sa luguegarao City sakay ng pribadong sasakyan at may kasama siyang tatlo.
Noong pito ng Mayo 27, 2020 ay sumakay siya ng bus patungong Camalaniugan, Cagayan at mula doon ay sumakay siya ng isang kuliglig pauwi sa kanilang bayan at may kasama siyang lima.
Ang taga-Alcala naman ay galing sa Pasay City at kasama niya ang kanyang misis na dumating noong June 8, 2020 subalit sumailalim sila sa quarantine at SWAB test.
Sa ngayon ay inoobserbahan na ang kanyang misis habang hinihintay ang resulta ng kanyang SWAB test.
Ayon kay Dr. Baggao, nakakalungkot dahil mahigit isang buwan nang walang naitala sa rehiyon at hindi sana ito mangyayari kung walang mga pasaway.










