--Ads--

CAUAYAN CITY – Ibinalik sa General Community Quarantine (GCQ) phase 3 ang Echague, Isabela matapos magnegatibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) test ang lahat ng mga nakasalamuha ng Overseas Flipino Worker (OFW) na COVID-19 positive.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Kiko Dy, sinabi niya na kasunod ng pagnegatibo ng 24 na nakasalamuha ng COVID-19 patient sa kanilang unang swab test ay ibinalik ngayong June 15, 2020 sa GCQ phase 3 ang kanilang bayan.

Ibig sabihin nito ay puwedeng lumabas ang mga mamamayan ng tatlong beses sa isang linggo para bumili ng kanilang mga pangangailangan.

Humingi ng paumanhin si Mayor Dy, hindi lamang sa kanyang mga kababayan kundi sa mga dumadaan sa Echague, Isabela sa mahigpit nilang pagpapatupad sa mga guidelines at protocol.

--Ads--

Lahat ng mga papasok o dadaan sa Echague, Isabela ay kailangang magpakita ng worker’s pass o travel pass mula sa kanilang mayor.

Kung wala  silang maipakita ay hindi sila papapasukin o padadaanin.

Samantala,  muling isasailalim sa swab test ang mga nakasalamuha ng COVID-19 patient bukas o sa Miyerkules.

Sinabi ni Mayor Dy na nananatili sa quarantine facilities sa kanilang bayan ang 24 nakasalamuha ng pasyente.

Dalawampu’t isang araw ang nakatakdang pananatili nila sa mga pasilidad subalit kung magnegatibo sila sa ikalawang test ay pauuwiin na sila at mag-home quarantine na lamang.

Ang pahayag ni Mayor Kikio Dy ng Echague, Isabela