
Cauayan City Airport 
CAUAYAN CITY – Muling nagbukas ngayong araw ang Cauayan City Airport sa San Fermin, Cauayan City.
Pansamantalang tumigil ang operasyon ng paliparan noong Marso 2020 dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Nora Paat, hepe ng Cauayan City Airport Police Station na ang check-in counter sa Cauayan Airport ay nagbukas kaninang alas sais ng umaga.
Dakong 7:45AM nang dumating ang eroplano mula sa Metro Manila habang 8:15AM ang take off ng eroplano pabalik sa Metro Manila.
Batay aniya sa manager ng Cebu pacific, walong pasahero ang sakay ng eroplanong dumating habang 37 ang lulan pabalik sa Metro Manila.
Ayon kay PMaj Paat, katuwang nila sa muling pagbubukas ng paliparan ang mga kawani ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), PNP Aviation Security Group at mga kawani ng Department of Health (DOH) para sa pag-aasikaso sa mga darating na pasahero ng mga eroplano.
Mahigpit ang pagpapatupad sa mga guidelines at protocol sa paglaban sa COVID-19.
Sasailalim sa foothbath, forehead thermal scanner at dadalhin sa isolation tent ang mga darating at paalis sa Cauayan City Airport.
Kapag mataas ang temperatura ng pasahero at umabot sa 37.6 degrees celcius pataas ay pansamantalang ilalagay sa isolation tent at ipapasakamay sa nakaduty na kawani ng Cauayan City Health Office.
Samantala, bilang pagsasailalim sa new normal sa muling pagbubukas ng paliparan ay 50% lamang ang papayagang makapasok para masunod ang social distancing.
Ang mga maghahatid at susundo ay mananatili sa nakatalagang waiting area.
Mula June 23-30, 2020 lamang ang naibigay na schedule ng pagbubukas ng paliparan.
Sa nasabing mga petsa ay araw ng Martes, Huwebes at Sabado ang schedule ng mga flights.
Ayon kay PMaj Paat, mahigpit din na ipagbabawal ang pagdala ng mga bata gayundin ang mga 21 anyos pababa at 60 anyos pataas.










