
CAUAYAN CITY – Umabot na sa apat ang COVID-19 positive sa Aurora, Isabela.
Inihayag mismo ni Mayor Joseph Christian Ninio Uy ng Aurora, Isabela sa kanyang facebook live ang panibagong tatlo na nagpositibo sa kanilang bayan.
Ayon kay Mayor Uy, ang mga bagong nagpositibo sa COVID-19 ay sina CV50, 34 anyos na lalaking OFW; CV51, 35 anyos na lalaki na galing sa Maynila at CV52, 45 anyos na lalaking OFW.
Ang 2 OFW ay sumakay OWWA bus noong June 19, 2020 pauwi sa Isabela.
Ayon kay Mayor Uy, pag-uwi sa Pilipinas ng dalawang OFW ay negatibo sa swab test ngunit nang dumating sila sa Aurora, Isabela ay idiniretso sila sa quarantine facility, isinailalim sa swab test at positibo ang resulta.
Ang dalawang OFW ay walang sintomas o asymptomatic ngunit si CV51 na galing sa Maynila ay may sintomas kaya isinailalim sa swab test.
Si CV51 ay sumakay sa bus na ginamit ng Aurora LGU sa Balik-Probinsiya Program.
Isasailalim sa swab test ang kanyang mga nakasabayan sa bus.
Ang tatlong COVID-19 positive patient ay dadalhin sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.
Ayon kay Mayor Uy, hindi niya isasailalim sa lockdown ang mga barangay kung saan nakatira ang tatlo dahil wala naman silang nakasalamuha na kapamilya at kamag-anak dahil idiniretso sila sa quarantine facility.
Sinabi ni Mayor Uy na ititigil muna ang Balik-Probinsiya Program ng LGU Aurora dahil puno na ang kanilang mga quarantine facilities.










