CAUAYAN CITY – Nagmistulang ilog ang national highway sa Aurora, Isabea matapos umapaw ang tubig sa irrigation canal ng National Irrigation Administration (NIA).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Eng’r. Reynato M. Ubiña District Engineer ng 2nd district DPWH Isabela, sinabi niya na mula kaninang alas kwatro ng madaling araw, nagsimulang lumakas ang daloy ng tubig mula sa main canal ng NIA matapos silang magpakawala ng tubig mula sa dam matapos makanaras ng malakas na pag-ulan ang Isabela kagabi.
Dahil sa lakas ng daloy ng tubig ay nawash-out ang mga sidings ng canal kaya dire-diretso ang tubig sa national highway na nasa baba ng irrigation canal.
Umabot sa tatlong daang metro ang haba ng national highway na lumubog sa tubig at kalahating metro naman ang lalim ng tubig.
Ayon kay Eng’r. Ubiña, may cross drainage namang ginawa ang DPWH pero hindi pareho sa design ng NIA kaya madaling nasira.
Nilagyan na nila ng signages ang daan para maiwasan ang posibleng aksidente at nang walang mastranded habang binabantayan na rin ng mga otoridad ang nasabing lugar.
Nanawagan naman si Engr. Ubiña sa mga mamamayang dadaan sa lugar na sumunod sa instruction para di magkumpulan ang mga sasakyan.
Ngayong hapon ay binuksan na sa motorista ang nasabing national highway.











