
CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng pamunuan ng Department of Health (DOH) region 2 ang bagong guidelines para sa mga COVID-19 positive ngunit asymptomatic o walang nararanasang sintomas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Rio Magpantay ng DOH Region 2, sinabi niya na ang hakbang ay para mapaghandaan ang critical care capacity ng tatlong tertiary hospital sa rehiyon na kinabibilangan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), Southern Isabela Medical Center (SIMC) at Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC).
Ayon kay Dr. Magpantay, kung mapupuno ang tatlong ospital ng mga asymptomatic at magkaroon ng mga kasong may malubhang kalagayan ay maaaring wala nang mapaglagyan sa kanila.
Dahil dito nais nilang magkaroon ng community isolation units ang mga lokal na pamahalaan para sila na ang mag-asikaso sa mga walang sintomas na positibo sa COVID-19.
Gayunman, kung hindi pa sila handa ay bibigyan sila ng sapat na panahon para makapaghanda.
Ayon kay Dr. Magpantay, ito ay bilang paghahanda lamang dahil marami pang mga uuwi na LSI at Overseas Filipino Workers (OFW’s).
Plano nilang makipagpulong sa mga mayor sa region 2 para maipaliwanag nang mabuti ang nasabing hakbang.










