--Ads--

CAUAYAN CITY –  Hustisya ng sigaw ng mga kapamilya at kababayan sa Kalinga kasabay ng paghahatid sa huling hantungan  kaninang tanghali kay  Army Major Marvin Indammog, commanding officer ng  9th Intelligence Service Unit ng Philippine Army sa Sulu.

Si Major Indammog ay isa sa apat na Army Intelligence Officer na napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu noong  June 29, 2020.

Siya ay tubong Tanudan, Kalinga at  miyembro ng Mandala Class 2006 ng Philippine Military Academy (PMA).

Daan-daang mga kamag-anak, kaibigan, kababayan at mga miyembro at opisyal ng Philippine Army ang dumalo sa burial rites na ginanap sa St. William’s Cathedral.

--Ads--

May mga hawak na tarpaulin ang ilan sa mga nakilibing na nagsasaad ng hangarin nila na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Major Indammog at tatlong kasama.

Matatandaang sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni  Major Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Gamu, Isabela na malaking kawalan sa Philippine Army at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) si Maj Marvin Indammog.

Nalungkot at nasaktan aniya ang kanilang hanay sa nangyari kay Maj. Indammog at mga kasamang napatay na sina Capt. Irwin Managuelod,  Sgt. Eric Velasco at Cpl. Abdul Asula.

Suportado ng 5th ID ang  paghahanap ng katotohanan at hustisya  sa nangyari  sa mga kapwa nila sundalo.

Ayon kay Major Tayaban, si Maj  Indammog na Scout Ranger   ay Marawi Siege warrior at kilalang may prinsipyo, dedikasyon at  commitment sa trabaho.