
CAUAYAN CITY – Inamin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 na nagkaroon sila ng pagkukulang sa validation ng mga benepisaryo ng ayuda mula sa pamahalaan.
Ito ay kaugnay ng maraming reklamo tungkol sa tulong pananalapi ng DSWD sa mga pamilya na napinsala ang bahay sa paghagupit ng bagyong Rosita noong 2018.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na hindi nila kaya na isa-isahing i-validate ang bawat benepisaryo.
Sinabi niya na hindi na-validate ang nasa listahan na galing sa mga LGUs kaya masasabing nagkaroon sila ng lapses.
Ipinaliwanag ni Asst. Regional Director Alan na pagkatapos ng bagyo ay obligado ang LGU na maghain ng report sa DSWD Regional Office kung ilan ang naapektuhan ng bagyo partikular ang mga nasiraan ng bahay sa kanilang nasasakupan.
Kapag nakuha na nila ang talaan ay ipapasa ito sa DSWD Central Office para maghain naman ng report sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at sa Tanggapan ng Pangulo.
Ayon pa kay ARD Alan, makikipag-ugnayan ang Local Government Unit (LGU) at Municipal Social Welfare and Development (MSWD) sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC) na higit na nakakaalam sa sitwasyon ng kanilang barangay.
Idinagdag pa niya na may validation na ginagawa ang MSWD ngunit hindi kayang i-validate lahat dahil sa limitadong bilang ng mga empleado.
May BDRRMC aniya na kailangang magsagawa ng validation dahil bahagi ito ng kanilang trabaho batay sa nakasaad sa batas.










