CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagtulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapauwi sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na namatay sa Saudi Arabia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Sec. Silvestre Bello III sinabi niya na kahapon ay may naiuwi silang 49 habang sa lunes ay 56 naman ang kanilang iuuwi.
Sinabi niya na unti-untiin din nilang iuwi ang lahat ng mga namatay na OFWs.
Ayon pa sa Kalihim may mga bagong Overseas Filipino Workers sa Saudi Arabia ang tinamaan ng COVID-19.
Umabot sa l52 OFWs ang panibagong tinamaan ng COVID-19 sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ang mga OFWs na ito ay ang mga stranded sa naturang bansa.
Sa ngayon ay naka-quarantine na sila sa mga hotel dahil punuan na ang mga ospital.
Samantala, tuluy-tuloy naman ang tulong pinansyal ng DOLE para sa mga OFWs.
Ayon kay Labor Sec. Bello, ang ibinigay ng pangulo noon na 2.5 bilyong piso ay naibigay na nila ang 2.1 bilyong piso at kapag naubos na ang natitira ay hihingi ulit sila ng karagdagang pondo sa pangulo.
Aniya, halos isang daang libo pa ang hindi nabibigyan ng ayuda na mga OFWs.
Bukod naman sa tulong pinansyal ay bibigyan din sila ng iba pang tulong tulad na lamang ng mga pagkain, gamot at facemask.










