--Ads--

CAUAYAN CITY – Ibinahagi ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na naka-isolate ngayon sa COVID ward ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City ang kanyang karanasan matapos magpasitibo sa COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isang OFW na itinago sa pangalang Elmo, sinabi niya na noong nasa Pakistan siya ay wala siyang nararamdamang sintomas ng COVID-19.

Bago siya umuwi ay sumailalim na siya sa quarantine at swab test at negatibo ang resulta.

Pagdating niya sa Pilipinas ay isinailalim ulit siya sa quarantine sa Kalakhang Maynila at negatibo ang kanyang swab test kaya pinayagan siyang makauwi sa Isabela.

--Ads--

Gayunman, hindi siya nakauwi sa kanilang lugar dahil pagdating niya sa Echague District Hospital ay isinailalim siya sa 14-day quarantine at nakaramdaman na siya ng sintomas ng COVID-19 tulad ng  pagbaba at pagtaas ng kanyang temperatura, Loose Bowel Movement (LBM) at hirap sa paghinga.

Ipinabatid niya ito sa mga doktor kaya dinala siya sa SIMC para isailalim sa swab test at lumabas na positibo siya sa virus.

Hindi niya alam kung saan niya nakuha ang virus dahil sinunod naman niya ang alituntunin para maging ligtas sa virus ang kanyang katawan.

Sa kanyang pamamalagi sa isolation ward ay pinagtuunan ng pansin ni Elmo ang pag-aalaga sa kanyang katawan para malabanan ang virus.

Gayunman ay positibo pa rin siya sa pinakahuli niyang swab test pero wala na siyang nararamdamang sintomas

Pinuri  ng OFW ang  mga Nurses sa isolation ward ng SIMC dahil sa magandang pag-asikaso sa kanya.

Nanawagan si Elmo sa mga mamamayan na huwag magkaroon ng diskriminasyon  sa mga nagpopositibo sa COVID-19  dahil hindi naman nila kagustuhan na magkaroon ng nasabing sakit.

Ang pahayag ng OFW na si Elmo