
CAUAYAN CITY – Naaresto kaninang umaga ang isang sundalo sa isinagawang drug buy-bust operation sa Labinab Grande, Reina Mercedes, Isabela.
Ang naaresto ay si SSgt Joseph Donato, 44 anyos, nakatira sa Guibang Gamu, Isabela ngunit tubong Centro East, Palanan, Isabela at nakatalaga sa medical company ng 503rd Infantry Brigade sa Tabuk City, Kalinga.
Ang mga kasapi ng Reina Mercedes Police Station ay nagsagawa ng anti-illegal drug buy bust operation sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2 na nagbunga ng pagkaaresto ni Donato.
Unang nakuha sa kanya ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nakuha pa sa body search ang dalawang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, 500 pesos na drug buy bust money, cash na 2,220 pesos, pitaka, mga ID, isang cellphone, 2 lighter isang wine container, isang kotse at 10 bala ng M16 armalite rifle.
Sinasabing kasama ni Donato ang kanyang kaibigan na nakatakbo nang dumating ang mga otoridad.
Mahaharap si Donato sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.










