
CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga pulis ang maglive-in partner sa isinagawang drug buy-bust operation sa Rizal, Santiago City.
Ang mga suspek ay sina Maleck Shehadeh, 27 anyos, magsasaka at pansamantalang nanunuluyan sa Sinamar Norte, San Mateo, Isabela at kinakasamang si alyas Elsa, 29 anyos at tubong Lunsod ng Santiago.
Pinangunahan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ni PCapt. Jose Cabbadu Jr. ang operasyon at sa pakikipagtulungan ng PDEA Region 2 at Station 2 ng Santiago City Police Office (SCPO) sa ilalim ni PMaj. Jenefer Flores.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang SDEU tungkol sa pagtutulak ng droga ng mga suspek kaya agad silang nagsagawa ng drug buy-bust operation.
Nakipag-transaksyon ang maglive-in partner sa isang pulis na nagpanggap na poseu/buyer kapalit ng 2,000 na nakuha kay alyas Elsa habang nakuha kay Shehadeh ang isang pakete ng hinihinalang shabu.
Napag-alaman na dati nang nasangkot si Shehadeh sa katulad na kaso noong Hulyo 2016 at nadismis ang kaso laban sa kanya ngunit muling nasangkot sa parehong kaso noong Setyembre 2018.
Sinikap na kunan ng Bombo Radyo Cauayan ng pahayag ang maglive-in partner subalit tumanggi na silang magbigay ng pahayag.










