
CAUAYAN CITY – Sinampahan ng kasong incest rape ang isang ama sa San Mariano, Isabela na paulit-ulit umanong gumahasa sa kanyang anak na buntis ngayon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PSSg Julie Ann Tion ng Women’s Help Desk ng San Mariano Police Station na nahirapan silang himukin ang 11 anyos na biktima na sampahan ng kaso ang kanyang ama dahil sa takot.
Sa unang pagkakataon aniyang nakausap nila ang bata ay nagsinungaling dahil sa takot sa kaniyang ama ngunit matapos ang isang linggo na nasa pangangalaga nila ay unti-unting naipagtapat ang tunay na pangyayari.
Sa pagsisiyasat ng mga pulis, dalawang taon nang patay ang nanay ng biktima at ang ama lamang ang kasama sa kanilang bahay.
Maraming beses na umanong pinagsamantalahan ng ama ang anak mula nang bumalik sa kaniyang poder matapos ang pananatili sa bahay ng kanyang tiyuhin.
Ayon kay PSSg Tion, lumabas din sa kanilang imbestigasyon na maging ang nakatatandang kapatid ng biktima ay tinangkang pagsamantalahan ng kanilang ama.
Matapos makuha ang salaysay ng bata ay sinampahan ng San Mariano Police Station ng kasong incest rape ang ama.










