CAUAYAN CITY – Apat ang patay, isa ang malubhang nasugatan sa pagbagsak ng isang huey helicopter habang palipad kagabi upang magsagawa ng night vision proficiency training.
Lumabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police station na dakong 7:10 kagabi nang bumagsak at sumabog ang chopper habang palipad mula sa compound ng Tactical Operations Group (TOG) 2, Philippine Airforce sa Cauayan City.
Nasa punerarya na ang bangkay ng mga namatay na dalawang piloto, isang crew at isang backride habang ginagamot sa isang pribadong ospital ang isang crew na nasugatan.
Hindi pa inilabas ni Col. Augusto Padua, Commander ng TOG 2 Philippine Airforce ang pangalan ng mga sakay ng helicoper dahil kailangan munang ipabatid kanilang pamilya ang nangyari sa kanila.
Inaasahang darating sa Cauayan City ang mga kinatawan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para imbestigahan ang pagbagsak ng helicopter.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gng. Michelle Florendo, may-ari ng isang tindahan malapit sa TOG 2 na kumakain sila nang mapakinggan nila ang malakas na pagsabog.
Nang lumabas sila ay nakita nila ang makapal na usok mula sa compound ng TOG2.












