
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang agronomy technican matapos bumangga sa kanyang motorsiklo ang natanggal na trailer bed na hila ng isang puting pick up habang binabagtas nila kagabi ang national highway sa Harana, Luna, Isabla.
Ang biktima ay si Elizar Abad Jr., 35 anyos, may-asawa, tsuper ng Honda XR 150, agronomy technician at residente ng Paraiso, Cabatuan, Isabela habang hindi pa matukoy ang pagkakilanlan ng tsuper ng puting Strada pick up.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Luna Police Station, lumabas sa imbestigasyon na patungong Cabatuan, Isabela ang pick up nang matanggal ang hila-hilang trailer bed.
Napunta ito sa kabilang linya ng daan at nabangga ng motorsiklo ni Abad na bumabagtas sa naturang lansangan patungong Cauayan City.
Nagtamo ng malalang sugat sa ulo si Abad na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Agad namang tumakas ang tsuper ng pick up matapos ang pangyayari.
Nagsasagawa na ng masusing pagsisiyasat ang Luna Police Station para matukoy ang tsuper ng pick up na may hila sa trailer bed.










