AUAYAN CITY – Dalawang buwan nang hindi nakapagtala ng Coronavirus Disease (COVID -19) positive ang Wuhan City, China kung saan nagsimula ang virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Chai Roxas, OFW sa China, sinabi niya na hindi lubos na bumabalik sa normal ang pamumuhay ng mga mamamayan sa Wuhan City.
Mahigpit pa ring ipinapatupad ang pagsusuot ng facemask upang makaiwas sa virus habang sa social distancing ay naging maluwag na ang mga otoridad
Mahigpit na binabantayan ang mga umuuwi nilang kababayan mula sa ibang bansa upang matiyak na hindi sila ang magdadala ng virus sa Wuhan City dahil wala nang local transmission sa naturang lunsod.
Sarado pa rin ang mga border ng China sa ibang mga bansa at walang mga banyagang pinapapasok maliban sa mga Chinese upang mapanatiling COVID free ang lunsod.
Nanatili pa ring sarado ang wet market sa Wuhan City sa kabila na wala nang mga naitatalang nagpopositibo sa COVID -19.
Matatandaang naging kontrobersyal ang nasabing wet market dahil doon umano nagmula ang coronavirus.












