
CAUAYAN CITY – Gumagamit na umano ng social media ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) upang magrecruit ng kanilang mga miyembro ayon sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Deputy Regional Director Camilo Rueco ng NICA region 2, sinabi niya na kaunti ang mga narerecruit ngayon ng mga makakaliwang grupo dahil walang pasok ang mga estudyante at patuloy ang crisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ang NICA ay nagsasagawa ng orientation sa hanay ng pamahalaan, Non-Government Organization (NGO’s) at mga kabataan hinggil sa gawain ng mga rebeldeng grupo para alam nila ang dapat na gawin sakaling may manghihikayat sa kanila na sumapi sa grupo.
Sakop ng NICA ang buong rehiyon dos at umiikot din sila sa mga unibersidad sa karatig na lalawigan tulad ng Kalinga, Ifugao at Apayao.
Ayon kay Regional Director Rueco, dahil walang klase sa mga eskwelahan ay gumagamit na ng social media ang mga rebelde sa kanilang paghikayat sa mga mamamayan na sumali sa kanilang kilusan.
Dagdag pa niya na kaunti lamang ang namomonitor nilang galaw ng mga miyembro ng CPP-NPA dahil sa COVID-19 pandemic.
Patuloy ang kampanya ng NICA region 2 upang supilin ang maling gawain ng mga makakaliwang grupo.









