--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon sa  dalawang miyembro ng Provincial Security Group (PSG)  na umano’y umamin sa pagtangay sa 9 na karton ng face shield at isang karton ng delata sa guest house  sa compound ng Provincial Capitol sa Alibagu, City of Ilagan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinumpirma ni  Ret. Col. Basilio Dumlao, head ng PSG na nagtungo siya sa City of Ilagan Police Station kasama ang ilang kawani ng Balai (guest house)  upang ipa-blotter  ang umano’y  nawawalang 9 na karton ng face shield at isang karton ng delata na umaabot sa 20,000 pesos ang halaga.

Lumabas sa imbestigasyon ng City of  Ilagan Police Station na  idinaan umano sa bintana ng guest house ang pagtangay sa mga nawawalang karton-karton ng mga face shiled at delata.

Ang dalawang suspek ay isang 26 anyos na residente ng Naguilian,  Isabela  at 25 anyos na residente ng Lunsod ng Ilagan.

--Ads--

Sa imbestigasyon ni PCpl  Ace Valenzuela, investigator ng City of Ilagan Police Station, tinangay umano ng dalawang suspek ang mga items kinagabihan bago natuklasan na nawawala ang mga Ito.

Umamin umano ang dalawa sa kanilang ginawa at boluntaryong ibinalik ang kanilang mga tinangay.

Batay sa salaysay ng mga suspek, ipapamahagi sana nila ang mga tinangay na items sa kanilang mga kaanak.

Sasampahan ang dalawa ng kasong qualified theft.

Ayon kay Ret. Col. Dumlao, bukod sa kasong kriminal ay nahaharap din ang dalawa sa kasong administratibo na pagkasibak sa serbisyo ang katapat na parusa.