
CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng pamunuan ng Commission on Higher Education (CHED) region 2 na marami ang mga estudyanteng humihiling ng financial assistance at scholarship grants lalo na ang Merit Academic Scholarship.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Julieta Paras ng CHED Region 2, sinabi niya na maraming estudiyante ang humihiling ng tulong sa kanilang tanggapan dahil nawalan ng trabaho ang kanilang mga magulang.
Nauunawaan ito ng CHED dahil marami ang mga negosyong nagsara dulot ng COVID-19 crisis.
Ayon kay Regional Director Paras, kung kuwalipikado ang estudyante sa kanilang mga panuntunan ay ikinukunsidera nilang mapabilang sa mga pagkakalooban ng scholarship grants.
Hindi tumanggap ngayong taon ang CHED region 2 ng bagong scholars sa ilalim ng Merit Academic Scholarship dahil walang inilaang pondo.
Tanging mga scholars sa ilalim ng Tulong Dunong at tertiary education subsidy ang kanilang ipinagpapatuloy.
Inamin ni Dr. Paras na hamon ito sa CHED dahil hindi lahat ng mga nagpapatulong sa kanilang tanggapan ay mabibigyan bunsod ng limitadong pondo.










