CAUAYAN CITY – Umabot na sa limang sundalo ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang nagpositibo sa Coronavirus Disease COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, sinabi niya na tatlong kasapi ng 513th Engineering Battalion ng 502nd Infantry Brigade ang nagpositibo sa COVID-19.
Una aniyang nagpositibo ang isang kitchen personnel na nahawa sa palengke ng Echague, Isabela dahil sa halos araw-araw siyang nagtutungo roon para mamalengke.
Ayon kay Maj. Tayaban, ang nasabi ring sundalo ang nakahawa sa dalawa pa niyang kasama.
Dagdag pa niya na walang travel history ang mga sundalo na nasa pangangalaga na ngayon ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Tuguegarao City.
Tiniyak niya na nasa mabuti silang kalagayan dahil asymptomatic sila o walang nararanasang sintomas ng COVID-19.
Ang pang-apat ay mula sa kanilang intelligence unit na nasa Abra ngayon at nasa mabuti ring kalagayan.
May 17 silang nakasalamuha na naka-quarantine na ngayon.
Ayon kay Maj. Tayaban, sa kabuuan ay mayroon nang limang miyembro ng 5th ID ang nagpositibo kasama na ang isang nakarekober.
Bukod dito, may isa ring naging bisita ang kampo ng 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela na isang sibilyan na nagpositibo sa virus.
Gayunman ay nagnegatibo na ngayon at nasa quarantine area ng San Antonio, Lunsod ng Ilagan.
Negatibo rin ang kanyang mga nakasalamuha na naka-quarantine ngayon.
Samantala, sinabi pa ng opisyal na tinanggal na ang lockdown sa kampo ng 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela noong ika-20 ng Agosto 2020.
Para matiyak ang kaligtasan ng kalusugan ng mga sundalo ay bumuo sila ng 5th ID Task Group Fight Against Covid na nakatutok sa kanilang mga operasyon laban sa COVID-19 habang nakatutok naman ang Camp Melchor F. Dela Cruz Station Hospital may kaugnayan sa kalusugan ng mga sundalo.











