CAUAYAN CITY – Hinihintay pa ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang resulta ng imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa naging sanhi ng pagkasunog ng 13 bus sa impounding area ng ahensiya sa Tuguegarao City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Edward Cabase ng LTFRB region 2, sinabi niya na sa kabila ng pangyayari ay patuloy ang pagsisilbi ng LTFRB sa publiko bagamat hindi madali para sa mga empleyado ang magtrabaho nang may pangamba sa kanilang seguridad.
Ayon pa kay Regional Director Cabase, patuloy ang mga ginagawang pagsisiyasat upang matukoy ang sanhi o kung sino ang nasa likod ng pagkasunog ng mga bus.
Tiniyak niya na mas magiging mahigpit na ang kanilang tanggapan upang hindi na maulit ang nasabing pangyayari .












