
CAUAYAN CITY– Nagbigay ang Department of Health (DOH) Central Office ng 2,000 swabbing kits para sa Solano, Nueva Vizcaya dahil sa pagdami ng tinatamaan ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Clarita Lalette Edmin Epi, Municipal Health Officer ng Solano , Nueva Vizcaya na sa araw ng Sabado at Linggo ay magsasagawa sila ng mass swabbing na ang puntirya ay aabot sa 2,000.
Sinabi pa ni Dr. Epi na sa isasagawang mass swabbing ay tutulong ang DOH region 2, DOH National Office at Provincial Health Office (PHO).
Pangunahing isasagawa ang mass swabbing sa limang barangay ng Solano na maraming kaso ng COVID-19.
Isasailalim din sa swab test ang halos 400 health workers at mga frontliners kabilang na ang mga na-expose sa palengke, slaughterhouse at mga business establishments na may nagpositibo sa virus.
Matapos ang isasagawang swab test ay ipapadala nila ito sa laboratory sa Pampanga kung saan naka-tie up ang kanilang swabbing kits.
Ngayong araw ay magsasagawa ang MHO ng case investigation para sa mga impormasyon na kanilang ipiprisinta sa DOH team
Ang total confirmed COVID-19 cases sa bayan ng Solano ay 120, 105 ang active cases, 13 ang recovery case at 4 ang namatay.










