
CAUAYAN CITY – Bukas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) region 2 sa pagtanggap ng aplikasyon hanggang September 24, 2020 para sa exemption ng mga maliliit na negosyo sa pagpapatupad sa wage order na ipinalabas nooong Pebrero 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Board Secretary Heidelwina Tarrosa ng RTWPB region 2, sinabi niya na nakapaloob sa kanilang wage order na mula sa 360 pesos na minimum wage ay nadagdagan ng 10 pesos kaya 370 pesos ang arawang sahod ng mga manggagawa sa non-agriculture sector, kompanya at negosyo na nagkabisa noong March 16, 2020.
Inihayag ni Board Secretary Tarrosa na hindi nila namonitor kung ipinatupad lahat ng mga employer ang wage order dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ang monitoring aniya sa bagong wage order ay nakasalalay sa inspector ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil ang regional director ng DOLE ay siya ring chairman ng RTWPB.
Laging natatalakay ang pansamantalang pagpapaliban sa pagpapatupad ng wage order dahil sa hinaing ng ilang employer na nawalan ng kita dahil sa community quarantine.
Nilinaw ni Tarrosa na kung talagang walang kakayahan ang employer na magbigay ng dagdag na sahod sa mga empleyado ay maaari silang maghain ng exemption hanggang ika-24 Setyembre.
Kailangan ding matutukan ang kapasid ng employer na mabayaran ang mga benepisyo ng kanilang mga manggagawa pangunahin na sa panahon ng pandemiya na maraming negosyo ng nagsara.










