CAUAYAN CITY – Umabot na sa 95 barangay sa Isabela ang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na kung pagbabatayan sa kanilang talaan ay 12 na bayan pa lamang ang naghain ng report na nakapagtala na ng kaso ng ASF.
Kinabibilangan ito ng Ramon, San Mateo, Cabatuan, Quezon, Roxas, Aurora, Luna, Mallig, Burgos, San Manuel, Quirino at Echague sa Isabela.
Sa naturang mga bayan ay nakapagsagawa na sila ng culling sa 59 na barangay at mayroon nang 7,740 na baboy ang naibaon sa lupa.
Bukod dito ay isinasagawa na ang culling sa ilang barangay sa Cauayan City habang may mga naitala na ring namatay na baboy sa mga bayan ng Delfin Albano at Angadanan, Isabela.
Gayunman ay hindi pa kabilang sa kanilang listahan ang naturang mga bayan dahil hindi pa sila naghahain sa Provincial Veterinary Office ng kanilang report kaugnay sa kaso ng ASF sa kanilang nasasakupan.
Idinagdag pa ni Dr. Naui na sa ngayon ay ramdam na ang epekto ng ASF sa lalawigan.
Samantala, sinabi ni Dr. Naui na nagpalabas si Gov. Rodito Albano ng Executive Order may kaugnayan sa Republic Act 9003 o Philippine Ecological Solid Waste Management Act of 2000 para sa tamang pagtatapon ng mga basura at kabilang na ang tamang disposal sa mga namamatay na hayop.
Ito ay may kaugnayan sa pagpapaanod ng mga namatay na baboy sa mga ilog at irigasyon sa ilang bayan sa Isabela.











