--Ads--

CAUAYAN CITY – Pansamantalang isinara sa publiko ang pamilihang bayan ng San Mateo, Isabela dahil sa isasagawang disinfection matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang sales boy ng isang negosyo na matatagpuan sa perimeter o labas ng pamilihan.

Nagsimula ito kaninang alas dos ng hapon at magtatapos sa ikadalawampu’t tatlo ng Setyembre.

Sa naging pahayag ni Mayor Gregorio Pua, kahapon ay may naitala ang kanilang bayan na positibo sa COVID-19.

Siya ay isang labimpitong taong gulang na lalaki, binata, residente ng barangay Salingan West, sales boy at delivery boy ng isang negosyo sa kanilang pamilihan.

--Ads--

Nagpositibo siya sa rapid test noong ikalabing apat ng Setyembre kaya isinailalim sa swab test at nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Mayor Pua, araw-araw ay magsasagawa ng disinfection sa kanilang pamilihan.

Bukod naman sa palengke ay ilalockdown din ang bahay ng nagpositibo at ang anim na bahay sa paligid nito.

Ang maganda aniyang balita ay negatibo sa SWAB test ang kanyang mga kasamahan sa trabaho gayundin ang kanyang amo.

Dagdag niya na matatapos ngayong araw ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente.

Sa ngayon, ayon kay Mayor Pua, labing isa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng San Mateo habang labimpito na ang nakarekober.

Tinig ni Mayor Gregorio Pua ng San Mateo, Isabela