
CAUAYAN CITY – Malaki na ang epekto ng African Swine Fever (ASF) sa Isabela matapos na umabot na sa 15, 667 na baboy ang isinailalim sa culling mula sa 183 na barangay mula sa bayan at lunsod sa lalawigan.
Kabilang dito ang mga bayan ng Cabagan, Delfin Albano, Angadanan, Naguilian, Reina Mercedes, Alicia, Cabatuan, Ramon, San Mateo, San Agustin, Cordon Aurora, Burgos, Luna, Mallig, Quezon, Quirino, Roxas, San Manuel, Cauayan City, Echague at San Guillermo sa mga nakapagtala na ng kaso ng ASF sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Veterinary Officer Angelo Naui, sinabi niya na aasahan na ang mababang tustos ng baboy sa mga pamilihan dahil sa epekto ng ASF.
Bilang alternatibo ay lumipat muna ang mga mamimili sa pagkonsumo ng karne ng manok, baka at isda.
Ayon kay Dr. Naui, batay sa pagsusuri ay lubhang mapanganib ang virus na tumama sa mga baboy kaya mabilis na kumalat.
Dahil dito tinatayang papalo na sa 87, 735, 200 ang malulugi sa hog industry sa lalawigan.
Ayon pa kay Dr. Naui, hindi ipinapayo ng Provincial Veterinary Office ang pagkatay ng mga natitirang baboy na walang sintomas sa mga barangay na nakapagtala ng suspected ASF cases.
Paliwanag niya na maaaring infected na ang baboy subalit hindi ito nagpapakita ng sintomas dahil sa incubation period ng ASF virus kaya ang pagkakatay sa mga baboy sa barangay na nakapagtala ng suspected ASF case ay maaaring maging dahilan ng mas lalo pang pagkalat ng virus.
Sinabi pa ni Dr. Naui na bagamat napag-uusapan ang ayudang ibibigay sa mga apektadong hog raiser ay hindi pa matukoy ng pamahalaang panlalawigan kung magkano ang halaga na kayang maibigay bilang ayuda dahil maliban sa ASF ay malaki ang nagagastos na pondo para sa paglaban sa COVID-19.










