CAUAYAN CITY – Hinangaan ang isang guwardiya ng pamilihang lunsod ng Santiago matapos isauli ang napulot niyang wallet na naglalaman ng 4,700 pesos.
Ang tinaguriang Honest Market Guard ay si Ginoong Jay Magno, nasa wastong edad at residente ng Santiago City.
Ayon sa City Public Market Office, habang nag-iikot sa loob ng pamilihan ang guwardiya ay napansin niya ang isang itim na wallet.
Agad niya itong kinuha at nagpatulong sa ilang nagtitinda na hanapin ang may-ari sa pamamagitan ng social media.
Makalipas ang ilang oras ay dumating sa City Public Market Office ang may-ari na si Milo Brin na residente ng Victory Norte, Santiago City.
Naglalaman ang wallet ng 4,700 pesos, ilang identification card at mahahalagang card.
Umani ng mga papuri si Ginoong Magno, hindi lamang sa mga netizen kundi lalo na sa kanyang mga kasama dahil sa kabila ng nararanasang krisis ay hindi niya hinangad na angkinin ang malaking halaga na laman ng pitaka.












