
CAUAYAN CITY – Iminungkahi ng National Union of Peoples Lawyer (NUPL) na pag-aralang mabuti ang panukala ni Ombudsman Samuel Martires na buwagin na ang Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.
Matatandaang iminungkahi ni Ombudsman Martires sa pagdinig ng House Committee on Appropriations ang pagbuwag sa Ombudsman at Sandiganbayan dahil sa kabiguang mapanagot ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan dahil walang naglalakas ng loob na tumestigo laban sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Neri Colmenares, Chairman ng NUPL, sinabi niya na bagamat sang-ayon siya sa pagbuwag sa dalawang tanggapan ay dapat na makabuo ng ahensiya na ipapalit sa Ombudsman at Sandiganbayan na tututok sa mga kaso ng graft and corruption laban sa mga opisyal ng pamahalaan.
Nakadidismaya aniya na mismong ang mga tanggapan na dapat na magpanagot sa mga sangkot sa corruption ang bigong magpataw ng parusa sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Colmenares, bagamat dumadaan sa pagdinig ang mga tiwaling opisyal ay hindi napapanagot kundi naililipat sa ibang ahensiya.
Binanggit niya ang mga anomalyang kinasangkutan ng mga matataas na opisyal at ilang kawani ng Bureau of Customs (BOC) na hindi pa napapanagot.










