--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang guro matapos paratangan ng panggagahasa umano sa isang dalagita sa Aglipay, Quirino.

Ang biktima ay itinago sa pangalang Karen, 15 anyos at residente ng naturang bayan habang ang suspek ay itinago  sa pangalang Fernan, 39 anyos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station, sinabi niya na nangyari ang panggagahasa noong tanghali ng ika-19 ng Setyembre 2020 sa loob umano ng classroom ng suspek.

Aniya, may okasyon noon sa bahay ng dalagita subalit bigla siyang nawala kaya hinanap siya ng kanyang mga kamag-anak.

--Ads--

Nagduda silang kasama niya  ang guro kaya pumunta sila sa nasabing paaralan subalit  sarado ang classroom ng pinaghihinalaan.

Ayon kay PCapt. Agpalza, tumawag ang mga kamag-anak ni Karen sa kanilang himpilan na agad nilang tinugunan at naaktuhan ang dalawa na magkasama sa loob ng classroom.

Nakita rin nila sa loob ang isang kama na magulo at may tatlong condom at isang nagamit na.

Nang tingnan ang cellphone ng biktima ay nakita nila ang usapan ng dalawa na pinapapunta ng suspek ang dalagita sa kanyang classroom dahil may gagawin umano sila.

Inamin ng biktima na ginalaw siya ng  guro kaya inaresto nila ang suspek habang dinala rin sa ospital ang biktima para sa medical check up at genital examination.

Sinabi pa ni PCapt. Agpalza na batay sa pamilya ng biktima, dati nang malapit ang dalawa sa isa’t isa.

Nagsimula ito nang naging estudyante ng suspek ang biktima noong siya ay nasa elementarya.

Inihayag naman ng dalagita na nagkaroon sila ng relasyon noong 13 anyos pa lamang siya at mula noon ay ginagawa na nila ang naturang bagay.

Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek sa Aglipay Police Station habang pinoproseso ang kanyang kaso at nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd).

Ayon kay PCapt. Agpalza, dadaan pa rin ito sa due process at kung mapatunayan na may relasyon ang dalawa ay prosecutor na ang magpapasya kung ibababa ang kasong rape laban sa suspek.

Ang pahayag ni PCapt William Agpalza.