CAUAYAN CITY – Idinaan sa kanta ng Naguilian Police Station sa Naguilian, Isabela ang kanilang kampanya kontra Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pat Roy Dalupang Jr., sinabi niya na ito ang naisip nila na isa sa mga mabisang paraan para maipabatid sa publiko ang mga panuntunan para makaiwas sa COVID-19.
Inisyatibo ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang paggawa ng jingle may kaugnayan sa barangay COVID-19 detail at naatasan siyang bumuo ng kanta.
Aniya sa tulong nang kaniyang pinsan ay nabuo nila ang kanta sa loob ng kalahating araw.
Hindi niya inaasahan na mapapansin at mag-viral ang video matapos na i-upload sa social media.
Ayon kay Pat. Dalupang, napapanahon ang nasabing proyekto ng Philippine National Police (PNP) dahil sa kinakaharap na krisis pangkalusugan ng mga mamamayan sa bansa.
Sa pamamagitan ng pagkanta ay mas nakukuha nila ang atensiyon ng mga residente.
Sa naturang video ay maraming positibong reaction mula sa mga netizen.
Si Pat Dalupang ang bokalista habang si PSSgt Glen Pillacos ang gitarista.
Kaugnay nito ay muling nagpaalala ang hanay ng pulisya sa publiko na patuloy na sundin ang mga ipinapatupad na health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng mga kamay at physical distancing.










