
CAUAYAN CITY – Ipaglalaban ng mga kongresista sa region 2 ang inilaang pondo para sa Lambak ng Cagayan para sa taong 2021.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Congressman Antonio Albano ng 1st districtng Isabela at miyembro ng House Committee on Appropriations na masyadong mababa ang inilaang pondo sa ikalawang rehiyon na 20.24 billion pesos.
Aniya, kung hindi sila magsasalita ngayon ay maaaring matulad lamang sa nakaraang taon na region 2 ang may pinakamababang pondo.
Inihalimbawa niya ang ikaanim na distrito ng Isabela na may 400 million pesos gayong malawak ang mga nasasakupang lugar.
Sa unang distrito naman ay nasa 2 billion pesos na napakalaki ang agwat.
Bubusisiin ng kongreso ang mga inilaang pondo sa bawat rehiyon sa bansa para sa taong 2021.
Sinabi ni Congressman Albano na kung titingnan ay hindi talaga pantay ang naging distribusyon ng pondo sa bawat rehiyon sa bansa.
Aniya, natuklasan nila na sa 551 bilyon pesos na inilaang pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay Cordillera Administrative Region (CAR) ang may pinakamababang mabibigyan ng pondo na 17.65 billion pesos na may limang lalawigan lamang.
Sumunod ang Region 2 na may 20.24 billion pesos gayong mahigit labindalawang distrito.
Pinakamalaki ang region 11 na may 56 billion pesos habang ang region 10 ay 47 bilyon pesos, region 4A ay halos 56 billion pesos at ang region 5 ay 43 billion pesos na mas maliliit ang mga lalawigan na kanilang nasasakupan.
Ang Reg. 4A ay tama lamang na malaki ang pondong inilaan dahil may pinakamalaking ambag pagdating sa ekonomiya.
Dahil dito, gusto nilang ituwid ang naging distribusyon ng pondo sa mga proyekto sa bawat rehiyon.
Kung susuriin aniya ang inilaang pondo na 551 billion pesos ay dapat nasa 35 billion pesos ang ibibigay sa bawat rehiyon at dapat 2 billion pesos ang maibibigay sa bawat distrito.










