--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinuspindi hanggang sa susunod na buwan ang operasyon ng Out-Patient Department (OPD) ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) kasunod ng pagpositibo sa COVID-19 ng isang pasyente na nanganak sa nasabing pagamutan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Emmanuel Salamanca, OIC Medical Center Chief ng SIMC, sinabi niya na naantala ang pagbubukas ng OPD ng ospital dahil sa pagpositibo sa COVID-19 ng isa sa kanilang naging pasyente.

Ang pasyente ay nanganak sa SIMC at napag-alamang positibo sa COVID-19 nang lumabas ang resulta ng kanyang RT-PCR Test nang makauwi sa kanilang bayan.

Gayunman, nang isailalim sa  pagsusuri ang pasyente noong naka-admit pa lamang sa ospital ay negatibo naman ang naging resulta at wala ring ipinapakitang sintomas ng  virus kaya pinayagan siyang makauwi.

--Ads--

Kasunod nito ay isinailalim agad sa home quarantine ang mga health care workers na umasikaso sa  pasyente pangunahin na ang kanyang naging doktor at mga attending nurses na nagnegatibo na rin sa unang pagsusuri.

Sa kabila nito ay kailangan pa ring maobserbahan ng limang araw ang mga kawani ng pagamutan at muling sumailalim sa swab test.

Sa ika-5 ng Oktubre ay inaasahang magbubukas na ang OPD ng SIMC.

Ang pahayag ni Dr. Emmanuel Salamanca.