
CAUAYAN CITY – Naitala sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City ang pinakabatang nasawi sanhi ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na ang nasawi ay isang 35 anyos na lalaki, may-asawa, tubong Tuao, Cagayan ngunit nakatira sa Batangas dahil naroon ang kanyang misis.
Sinabi ni Dr. Baggao na noong Miyerkules ay nagpasya ang pasyente na magpauwi sa kanyang asawa sa bayan ng Tuao at dumating noong Huwebes.
Dahil masama ang kanyang pakiramdam at hirap sa paghinga ay idiniretso siya sa Tuao District Hospital ngunit inirefer sa CVMC noong gabi rin ng Huwebes.
Ayon kay Dr. Baggao, dumating sa CVMC ang nasawing pasyente dakong alas onse ng gabi ng Huwebes at agad isinailalim sa intubation dahil hirap sa paghinga.
Aniya, dahil kabilang sa suspect patient ay isinailalim siya sa swab dakong alas kuwatro ng madaling araw noong Biyernes subalit bago pa man mailabas ang resulta nito dakong alas otso ng umaga ay binawian na ng buhay ang pasyente dakong alas sais ng umaga noong Biyernes, ika-25 ng Setyembre 2020.
Sinabi pa ng doktor na may mga comorbidities ang nasawing pasyente at noong 2018 ay na-diagnose siya dahil sa problema sa kanyang atay at may fatty liver.
Bukod dito ay nagkaroon din siya ng mga problema sa kanyang digestive system dahil nagdudumi at nagsusuka na siya ng dugo na isa ring nakikitang dahilan kaya humina ang kanyang katawan.
Ayon kay Dr. Baggao, maaaring nahawa sa COVID-19 ang nasawing pasyente sa Batangas.










