CAUAYAN CITY – Inaalam ng mga otoridad kung may kaugnayan sa buhay pag-ibig ang dahilan ng pagpapakamatay ng isang menor de edad sa Tumauini, Isabela.
Ang katawan ng 16 anyos na binatilyo ay natagpuan sa river control sa kanilang barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na hinanap ang binatilyo ng kanyang mga kamag-anak matapos na hindi umuwi sa kanilang bahay.
Natagpuan ang kanyang katawan sa river control sa kanilang barangay na may hawak na botelyang plastik na naglalaman ng hinihinalang pesticide na maaaring ininom upang wakasan ang kanyang buhay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Tumauini Police Station, bago natagpuan ang bangkay ng binatilyo ay nagtungo sa kanilang bukid para tingnan ang kanilang alagang kalabaw.
Napag-alaman ng pulisya na nagpadala ang binatilyo ng larawan ng isang plastic bottle na may lamang pesticide sa kanyang ka-chat sa facebook na pinsan at pabirong sinabi na mawawala na siya kinabukasan.
Sinabi umano ng binata na ang bote na may lamang pesticide ang solusyon ng kanyang problema.
Ayon kay PMaj Gatan, nagulat ang pamilya ng binatilyo dahil wala silang napansin na kakaibang kilos bago ang kanyang pagpapakamatay.
Batay aniya sa kanyang pakikipag-ugnayan sa pamilya nito ay inilarawan nila na mabait at matalino ang binatilyo kaya hindi sila makapaniwala na magagawa niyang kitlin ang kanyang buhay.
Kabilang sa posibleng anggulo ng pagpapakamatay ng 16 anyos na binatilyo ay ang problema sa kanyang buhay pag-ibig dahil may nabanggit siyang pangalan sa kanilang chat ng kanyang pinsan.
Samantala, hiniling ng Tumauini Police Station ang tulong ng PNP Crime Laboratory para sa pagsusuri sa crime scene.
Nabanggit din ni PMaj Gatan na ang ama ng binatilyo ay nagpakamatay noong taong 2009.












