CAUAYAN CITY – Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang boluntaryong sumuko 86th Infantry Highlander Battalion, Philippine Army bunga ng patuloy na pagsasagawa ng militar ng Community Support Program (CSP).
Ang tatlong sumukong rebelde ay mga residente ng Nagtipunan, Quirino at pawang miyembro ng Kilusang Larangang Gerilya-Quirino-Nueva Vizcaya (KLG-Q-NV).
Kasalukuyan na ang pagproseso sa mga dokumento nila upang maisama sila sa programa ng pamahalaan para sa mga rebelde na nagbabalik-loob sa pamahalaan.
Ayon kay LtCol. Ali Alejo, ang Commanding Officer ng 86th IB, ang pagsuko ng tatlong rebelde ay nagpapakita ng malapit nang pagbagsak ng kilusan.
Aniya, ito ay bunga ng mabisang pagpapatupad sa Provincial and Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) na hangad ay panatilihin ang kapayapaan para sa ikauunlad ng pamayanan.
Hinikayat din ng commanding officer ng 86th IB ang mga natitira pang kasapi ng makakaliwang grupo na sumuko na at tigilan na ang walang kabuluhang pakikibaka sa pamahalaan at mamuhay nang matiwasay kasama ang kanilang mga pamilya.











