CAUAYAN CITY – – Umabot na sa 28 na barangay ang nakapagtala ng kaso ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan ng Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Marcelino Delson, Provincial Veterinary Officer ng Quirino na ang 28 na barangay ay mula sa limang bayan na kinabibilangan ng Diffun, Saguday, Cabarroguis, Aglipay at Maddela.
Aniya, naitala ang unang kaso ng ASF sa La Paz, Saguday noong Pebrero 2020 at wala nang sumunod subalit noong ika-5 ng Setyembre ay naitala sa Maria Clara, Diffun at kumalat na sa ibang lugar.
Ayon kay Dr. Delson, unang tinamaan ay ang mga barangay na nasa pagitan ng Quirino at Isabela.
Ang nakikita nilang dahilan kaya mabilis itong kumalat ay ang pagbili ng mga mamamayan ng karne ng baboy na hindi dumaan sa mga slaughter house.
Sa ngayon ay wala pa namang commercial farm na natatamaan ng ASF dahil sa mas pinaigting na biosecurity ng mga may-ari.
Sinabi pa ng Provincial Veterenary Officer na naglabas na rin ang pamahalaang panlalawigan gayundin ang mga Local Government Units (LGUs) ng Executive Order na nagbababawal sa uraga system sa mga barangay.
Kaugnay nito ay hiniling ni Dr. Delson ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan ng Quirino para masugpo ang ASF.











