
CAUAYAN CITY – Patay ang isang negosyante matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa nakaparadang forward truck sa national highway sa Babanuang, San Manuel, Isabela.
Ang biktima ay si Roderick De Guzman, 32 anyos, may-asawa, negosyante at residente rin ng nasabing barangay habang ang tsuper ng Isuzu forward truck na may mga kargang palay ay si Mark Ian Ignacio, 35 anyos, may-asawa at residente ng Cebu, San Isidro, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nakatigil ang forward truck sa bahagi ng daan dahil pinapalitan ang gulong nito.
May mga inilagay na warning device at nakabukas din ang ilaw ng truck ngunit sinalpok pa rin ng motorsiklong minamaneho ng biktima ang likurang bahagi ng sasakyan.
Dahil sa lakas ng pagsalpok ay pumailalim ang motorsiklo sa truck dahilan para magtamo ng malalang sugat sa katawan ni De Guzman na naging dahilan ng agaran niyang kamatayan.
Hindi naman nagtamo ng sugat sa katawan ang tsuper ng truck na si Ignacio na nasa pangangalaga ngayon ng San Manuel Police Station.










