
CAUAYAN CITY – Ilalapit ng pamunuan ng Isabela State University (ISU) System sa Department of Science and Technology (DOST) ang bubuuing Agri-Business Project ng 25 na estudyante na nagsanay sa bansang Israel.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, Presidente ng ISU System, sinabi niya na tatlong batch ng mga estudyante ang nakatakda nang umuwi sa Isabela.
Aniya napakaganda ng naging karanasan ng mga estudyante sa bansang Israel dahil sa mga modernong teknolohiyang ginagamit sa agrikultura.
Marami silang natutunan na maaari nilang magamit sa isasagawang proyekto ng pamunuan ng ISU at kahit sila ay graduate na ay puwede pa rin nilang ipagpatuloy ang proyekto.
Dahil sa COVID-19 pandemic ay pansamantalang sinuspindi ng ISU ang pagpadadala ng mga OJT students sa ibang bansa para magsanay.
Ayon kay Dr. Aquino, sila ay hihingi ng pondo sa DOST para mapondohan ang isasagawang proyekto ng mga estudyante katuwang ang Department of Agriculture (DA).
Kapag nakita nilang sustainable ang proyekto ay maaari itong gawing agri-business ng mga estudyante matapos ang kanilang graduation.










