
CAUAYAN CITY – Umabot na sa 375 na barangay sa Isabela ang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer ng Isabela na nananatiling 28 na bayan at lunsod ang apektado ng ASF ngunit nadagdagan ang mga barangay na naapektuhan na umabot na sa 375.
Dahil dito, umabot na sa 42,722 na baboy ang isinailalim sa culling habang 4,788 na magsasaka ang apektado.
Ayon kay Dr. Naui, may mga bayan na nagpatupad noon ng culling ng baboy ngunit hindi na sila nagrereport.
Ibig sabihin nito ay tumigil na ang infection ng ASF sa kanilang lugar habang sa ibang lugar ay kaunti na lamang ang naisasailalim sa culling na baboy.
Patuloy ang pagsasagawa nila ng disinfection sa mga lugar na apektado ng naturang sakit ng baboy upang mapabilis na mapatay ang mga mikrobiyo na natitira pa sa mga kulungan ng baboy.
Kaugnay nito ay malaki ang magiging kakulangan sa suplay ng baboy sa mga susunod na buwan.
Sinabi pa ni Dr. Naui na batay sa mga kinakatay na baboy sa mga slaughter house ay bumaba na sa 50% hanggang 60%.
Sa kabila nito ay tumataas naman ang porsyento ng mga kinakatay na baka dahil ito na ang binibili ng mas maraming consumer.










